Sunday, July 13, 2014

                                Hindi mabuntis


Bakit kaya hindi ako mabuntis? Dalawang taon na kaming nagsasama ng asawa ko pero wala pa ring nangyari. Wala naman kaming lahing baog. -- Anne ng Aurora, Isabela.

***

Kahit dalawang taong na kayong nagsasama pero nagtitinginan lamang kayo, hindi ka talaga mabubuntis. Pero kung may ginagawa kayo at wala pa ring epekto, pumunta sa doktor para malaman kung sino ang may problema. Madali itong malaman sa pamamagitan ng semen analysis ng lalaki o ovulation test ng babae. Huwag mawalan ng pag-asa dahil maraming epektibong treatments para magkaanak kayo.

***

Saan makabili ng gamot na Rowachol para sa bato sa apdo? Thanks and God bless you! -- Name withheld.

***

Pumunta sa pinakamalapit na botika para mabili ito. Pero kumunsulta sa doktor bago gawin ito dahil kailangan ang reseta niya at may mga side effects ito.

***

Ano ang gamot sa gout? -- Gary Villapana ng Tondo, Manila.

***

Maaaring bigyan ka ng doktor ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) na epektibo sa pamamaga at sakit na dulot ng gout. Halimbawa nito ay ibuprofen at naproxen o ang prescription NSAIDs tulad ng indomethacin. Ilan sa mga side effects nito ay sakit ng tiyan, pagdudugo at ulcers.

Kung hindi ka hiyang sa NSAIDs, bibigyan ka ng colchicine para mabawasan ang sakit. Ang kapalit nito sa ibang tao ay side effects tulad ng pagkahilo, pagsusuka at diarrhea. Ang isa pang gamot ay corticosteroids tulad ng prednisone na maaaring inumin o ma-injection sa katawan. Bagay ito sa mga taong hindi makagamit ng NSAIDs o colchicine. Ang side effects nito ay pagninipis ng buto, mabagal na paggaling ng sugat at mababang resistensiya.

Para maiwasan ang gout at ang mga komplikasyon nito, maaaring bigyan ka ng gamot na nagbabawas ng uric acid. Ang tawag dito ay xanthine oxidase inhibitors tulad ng allopurinol at febuxostat. Ang side effects nito ay pantal at low blood counts. Sa febuxostat, may pagkahilo at reduced liver function. Ang probenecid ay nagpapabilis ng paglabas ng uric acid sa katawan pero maaaring magkaroon ka ng pantal, sakit ng tiyan at kidney stones. Kumunsulta ng doktor para malaman ang tamang dosage at maiwasan ang side effects.